Upang masagip ang mga maliliit na negosyante mula sa mabigat na interes, naghain si Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ng House Bill 9472.
Layon ng panukalang ito na gawing permanente ang Pondo para sa Pagbabago at Pag-asenso o P3 Program.
Sa pamamagitan ng programang ito, makahihiram ng puhunan ang mga may-ari ng sari-sari store, karinderya, at mga tindero sa palengke nang walang hinihinging kolateral at sa mababang interes lamang.
Ayon kay Yamsuan, marami pa ring Pilipino ang napipilitang kumapit sa mga illegal money lender, mapang-abusong online lending app, at 5-6 na pautang.
Ang mga ito ay kilalang naniningil ng hanggang 20 porsiyentong interes kada buwan, na nagiging dahilan para lalong mabaon sa utang ang mga mamamayan.
Pangunahing probisyon sa ilalim ng bagong panukalang batas ang abot-kayang interes, madaling pagproseso, at malawak na saklaw para sa mga MSE.
Naniniwala ang mambabatas na sa pamamagitan ng sapat at tuloy-tuloy na pondo mula sa gobyerno, mas madaling mapapalago ng mga ordinaryong Pilipino ang kanilang kabuhayan.