Iginiit ni Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na obligado ang mga indibidwal na pinadalhan ng subpoena sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, na sumunod sa utos ng korte.
Ayon kay Tongol, maaaring maharap sa contempt of court ang sino mang tatangging dumalo nang walang sapat na dahilan.
Ipinaliwanag ng tagapagsalita, na ang pagdalo ng mga testigo na pinadalhan ng subpoena ay bahagi ng tinatawag na ‘compulsory process’ ng hukuman.
Aniya, ang ilang pagkakataon na maaaring kuwestiyunin o hindi sundin ang subpoena ay kung: wala itong kaugnayan sa kaso, ginagamit lang para manggipit o mang-abala, may depekto sa pagkaka-isyu ng subpoena o
kulang sa detalye o katiyakan.
Una nang naipadala ng Impeachment Court ang subpoena para dumalo sa paglilitis sa susunod na linggo si Office of the Vice President Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez.
Bukod kay Lopez, inaasahan ring haharap bilang testigo sa paglilitis sa susunod na linggo sina NBI Regional Director Jeremy Lotoc at House Legislative Securtiy Bureau Executive Director Belinda Bello.