Photo courtesy: Rexy Quieta / Tayo na Batanes
Itinuturing na “very unlikely” o malabong mangyari at hindi na dapat pagtalunan pa ang naging pahayag ng isang Chinese academic scholar hinggil sa pag-angkin ng Tsina sa lalawigan ng Batanes.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Foreign Affairs and Security Analyst Professor Lucio Blanco Pitlo III, tahasan nitong binuweltahan ang nasabing claim ng dayuhang iskolar.
Ayon kay Pitlo, selyado ng maraming pandaigdigang kasunduan o treaty na ang Batanes ay lehitimong teritoryo ng Pilipinas.
Binigyang-diin niya na sa aspektong legal at hurisdiksyon, ang Batanes ay nananatiling isang opisyal na lalawigan ng bansa.
Ipinaliwanag din ng eksperto na ang lumalakas na ugnayan ng Pilipinas at Taiwan ang tunay na dahilan kung bakit nagiging mitsa ito ng pagkabahala o concern ng Tsina ngayon.
Gayunpaman, nilinaw niya na hindi ito dapat maging ugat ng takot para sa bansa.