Photo courtesy of Batanes Representative Ciriaco Gato Jr. FB
Pumalag si Batanes Lone District Representative Ciriaco B. Gato Jr. sa mga bagong ulat na umaangkin sa kanyang nasasakupang lalawigan bilang bahagi di umano ng China.
Sa isang opisyal na pahayag sinabi ni Rep. Gato ang kanyang matinding pagkabahala hinggil sa mga naging talakayan sa isang academic symposium sa China.
Sa naturang pulong, iginiit ng ilang grupo na ang Batanes ay isang “natural geographical extension” o likas na karugtong lamang ng Taiwan, at ang soberanya nito ay pagmamay-ari ng China.
Sagot ni Gato, “Ang Batanes ay isang lalawigan ng Republika ng Pilipinas, ang mga Ivatan ay Pilipino”.
Ayon kay Gato, Ito ay mga permanenteng katotohanan na itinatag ng kasaysayan, pinagtibay ng ating Konstitusyon at mga batas, at nakaukit sa pagkakakilanlan at kolektibong karanasan ng aming mamamayan.
Tiniyak ni Gato na buo ang paninindigan at katapatan ng mga Ivatan sa bansa, at walang puwang ang ano mang dayuhang pag-aangkin sa kanilang lupang sinilangan.