Sa kabila ng mga nararanasang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa, patuloy pa ring bumababa ang antas ng tubig sa ilang pangunahing dam sa Luzon.
Batay sa monitoring ng PAGASA Hydrometeorology Division, nananatiling below critical level ang water level ng Angat Dam, na nasa 156.10 meters.
May pagbaba na ito ng 53.90 meters mula sa normal high water level na 210 meters.
Naitala rin ang bahagyang pagbaba ng antas ng tubig sa Ipo, La Mesa, Ambuklao, Binga, at San Roque Dams.
Samantala, nakitaan naman ng pagtaas ang water level sa Pantabangan at Magat Dams, habang nanatiling hindi nagbago ang antas ng tubig sa Caliraya Dam.
Patuloy namang binabantayan ng mga kinauukulang ahensya ang sitwasyon ng mga dam sa gitna ng tag-ulan.