Iginiit ng isang mambabatas na dapat matiyak na agad na makahanap ng angkop na trabaho ang mga nagtapos sa mga pagsasanay ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ayon kay Solid North Party-list Representative Ching Bernos, mahalagang maipasok kaagad sa industriya ang mga TESDA graduates upang lubos na mapakinabangan ang kanilang kasanayan.
Aniya, ang matagal na paghahanap ng trabaho ay maaaring magdulot ng mas malaking paghihirap at pagkakautang sa mga bagong nagtapos at kanilang pamilya.
Bagama’t nasa 83 hanggang 86 porsiyento ang employability rate ng TESDA graduates ayon sa ahensya, lumabas sa pag-aaral ng EDCOM 2 na 38 porsiyento lamang ang nagkaroon ng trabaho anim na buwan matapos ang kanilang pagsasanay.
Dahil dito, nanawagan si Bernos ng mga konkretong hakbang upang mas mapabilis ang pag-uugnay ng mga TESDA graduates sa mga trabahong tugma sa kanilang natapos na pagsasanay. Ngayong taon, inaasahang mahigit 600,000 Pilipino ang magtatapos sa iba’t ibang TESDA training programs.