Patuloy ang epekto ng Bagyong Inday sa operasyon ng mga pantalan sa bansa matapos kanselahin ang maraming biyahe ng mga sasakyang pandagat. Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), umabot naman sa 168 ang mga stranded na pasahero sa mga pantalan hanggang nitong 6:00 ng umaga ngayong Hulyo 11.
Pinakamaraming stranded na pasahero ang naitala sa PMO Panay/Guimaras na may 93, sinundan ng Marinduque/Quezon na may 36, Batangas na may 26, at Bicol na may 13.
Samantala, 8:00 ng umaga, maraming biyahe ang hindi natuloy sa mga pantalan sa NCR-South, Batangas, Masbate, Marinduque at Quezon, Mindoro, Bicol, Bohol, Palawan, Negros Oriental at Siquijor, Panay at Guimaras, gayundin sa Eastern at Western Leyte.
Nilinaw ng PPA na hindi ito ang direktang nagkakansela ng mga biyahe. Awtomatikong nahihinto ang operasyon kapag nagpapatupad ang Philippine Coast Guard (PCG) ng no sail policy, habang maaari ring magkansela ng biyahe ang mga shipping line alinsunod sa kanilang permit at umiiral na kondisyon sa panahon.
Pinapayuhan ang mga pasaherong may nakaiskedyul na biyahe na makipag-ugnayan muna sa kanilang shipping line o sa pinakamalapit na tanggapan ng PPA para sa pinakahuling abiso bago magtungo sa pantalan, habang patuloy na nananatiling prayoridad ang kaligtasan ng lahat sa gitna ng nararanasang epekto ng Bagyong Inday sa bansa.