Walang-patid ang isinasagawang clearing operations ng Department of Public Works and Highways o DPWH-Sarangani District Engineering Office sa bahagi ng Sitio Nacolyael, Barangay Small Margus, Glan, Sarangani Province, kasunod ng landslide na dulot ng tuloy-tuloy na malalakas na pag-ulan sa lugar.
Sa kasalukuyan ay hindi pa rin madaanan ng mga sasakyan ang bahagi ng kalsada habang nagpapatuloy ang paglilinis at pag-aalis ng mga gumuhong lupa, bato, at iba pang debris.
Nagpaalala rin ang DPWH sa iba pang lugar na kabilang sa landslide-prone areas na maging alerto at panatilihin ang pag-iingat.
Hinihikayat din ang mga biyahero na manatiling mapagmatyag at mag-ingat sa pagbiyahe, lalo na habang nagpapatuloy ang masamang kondisyon ng panahon.