Mariing kinondena ni Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima ang kamakailang aksyon ng China sa rehiyon.
Ayon kay De Lima, pagpapakita ito ng kawalan ng katapatan sa maayos na pagresolba ng mga umiiral na usapin.
Anya ang paglulunsad ng isang ballistic missile patungo sa Pacific Ocean ay isang hakbang na naglalayong magpakita ng lakas-militar nang walang pakundangan sa posibleng idulot nitong geopolitical tension sa rehiyon.
Bukod sa mga patuloy na usapin sa West Philippine Sea, may mga ulat hinggil sa pahayag ng ilang Chinese scholars na nagpapalabas na bahagi umano ng teritoryo ng Tsina ang lalawigan ng Batanes.
Ayon kay De Lima ang naturang mga claims ay walang katotohanan at maituturing na maling propaganda.
Kaugnay nito, muling nanindigan ang pamahalaan na higit pang paiigtingin ang pagtatanggol sa karapatang pang-soberanya at mga teritoryo ng Pilipinas.
Inihayag din ng mambabatas na patuloy na makikipagtulungan ang bansa sa mga regional allies upang mapanatili ang pagpapatupad ng law of the sea at maitaguyod ang isang rules-based international order sa gitna ng mga hamon at pananakot sa rehiyon.