Ipinagmalaki ng Department of Public Works and Highways o DPWH na naging operational at mabilis ang pagdaloy ng tubig ulan sa mga pumping stations sa Metro Manila kasabay ng matinding pagbuhos ng ulan dala ng Bagyong Inday at Habagat.
Partikular na tinukoy ng Department of Public Works and Highways ang maayos at magandang performance ng mga pumping stations sa Padre Faura, Remedios, Abad, Harbor View, at Arroceros pumping stations sa Maynila, Diokno Pumping Station sa Pasay, Wawang Pulo Pumping Station sa Valenzuela, pati na rin ang mobile pumps sa G. Araneta Avenue sa Quezon City.
Ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking gumagana ang mga pumping stations upang mapabilis ang paghupa ng baha sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila upang hindi maabala ang mga residente, motorista, at commuter.
Pagtitiyak pa ng DPWH na patuloy ang isinasagawa nilang monitoring at maintenance procedures sa mga pumping stations katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA, iba pang ahensiya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan upang masigurong 24/7 gumagana ang mga pumping stations lalo na sa panahon ng tag-ulan.
Panawagan pa ng DPWH sa publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura upang hindi mabarahan ang mga pumping stations at magdulot ng malaking aberya.