Muling binuksan ng Department of Energy (DOE) ang Special Green Energy Auction para sa Waste-to-Energy projects matapos alisin ang pansamantalang suspensyon nito, kasabay ng paglalabas ng mga binagong panuntunan upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan sa renewable energy.
Ayon sa DOE, agad nang magpapatuloy ang lahat ng auction activities matapos ang paglalabas ng bagong department circular at updated Terms of Reference.
Kabilang sa mga pangunahing pagbabago ang pagtaas ng target installation capacity mula 230 megawatts tungo sa 400 megawatts, pagpapalawig ng mga deadline para sa proyekto, at pagpapahaba ng registration period hanggang katapusan ng Hulyo ngayong taon.
Pinalawak din ang eligibility upang mas maraming kwalipikadong Waste-to-Energy at biomass developers ang makalahok sa bidding.
Sinabi ng DOE na ang mga pagbabagong ito ay bunga ng konsultasyon sa mga stakeholder at inaasahang magpapabilis sa pagpapatupad ng mga proyekto na magpapalakas sa energy security, renewable energy development, at mas sustainable na waste management sa bansa.