Pinaigting ng Department of Education (DepEd) ang mga hakbang sa rehabilitasyon ng mga paaralang naapektuhan ng Bagyong Inday at habagat.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, isinusulong ng DepEd ang komprehensibong pagtugon na hindi lamang nakatuon sa agarang pagresponde sa kalamidad kundi maging sa paghahanda ng mga paaralan upang manatiling ligtas at handa sa anumang banta.
Batay sa Situation Report ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service noong July 10, nakapagtala ng 81 nasirang silid-aralan sa anim na rehiyon.
Kabilang dito ang 43 na may bahagyang pinsala, 20 na may malaking pinsala, at 18 na tuluyang nasira na patuloy pang bineberipika ng mga engineering team.
Samantala, nananatiling nakaalerto ang DepEd sa Negros Island Region dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Kanlaon.
Ayon sa pinakahuling ulat ng PHIVOLCS, nananatili sa Alert Level 2 ang bulkan at nakapagtala ng walong volcanic earthquakes sa nakalipas na 24 oras. Dahil dito, patuloy ang koordinasyon ng DepEd sa PHIVOLCS, PAGASA, Office of Civil Defense, mga lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya upang matiyak ang mabilis na pagtugon.