Kinuwestiyon ng ilang Senator-Judges at ng depensa ang pagpapahintulot na maiharap nang mas maaga si NBI Director Melvin Matibag bilang testigo ng prosekusyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa paglilitis ngayong araw, hiniling ng prosekusyon na maiharap ngayong linggo, kasunod ng pagtestigo ni NBI Cybercrime Division lawyer Atty. Jeremy Lotoc, si NBI Director Melvin Matibag.
Ipinaliwanag ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano na maaaring magtakda ito ng maling precedent kung papayagang maunang humarap si Matibag, dahil may mga deputy at assistant officials naman sa mga ahensya ng gobyerno na maaaring kumatawan sa kanilang mga tanggapan.
Binigyang-diin din ni Cayetano na maging ang mga Senator-Judges ay isinantabi ang ilang mahahalagang lokal at internasyonal na biyahe upang mabigyang-priyoridad ang impeachment proceedings.
Aniya, hindi dapat maging dahilan ang pagdalo sa isang international conference upang mabigyan ng espesyal na konsiderasyon ang isang testigo ng pamahalaan.
Tutol din ang depensa sa hakbang ng prosekusyon.
Ayon kay Atty. Mark Vinluan ng defense team ni Duterte, lalabag ito sa “five-day notice rule” na napagkasunduan ng magkabilang panig, kung saan kinakailangang ipaalam limang araw bago ang pagharap ng mga testigong kanilang ihaharap.
Sinabi ni Vinluan na maaapektuhan din nito ang karapatan ng depensa na makapaghanda nang maayos para sa cross-examination ng testigo at sa presentasyon ng kanilang panig.
Sinang-ayunan ito ni Senate President at Senator-Judge Sherwin Gatchalian. Aniya, hindi lamang ang prosekusyon at depensa ang naghahanda para sa bawat pagdinig, kundi maging ang mga Senator-Judges.
Dagdag pa niya, mahihirapan ang mga Senator-Judges na makapaghanda kung biglaang magpapasok ng mga testigong wala sa naunang iskedyul at hindi pa nila nasusuri ang mga dokumento at ebidensiyang may kaugnayan dito.
Nais iharap ng prosekusyon si Matibag kaugnay ng Article IV ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa umano’y pagbabanta ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.