Dapat personal na dumalo sa kaniyang impeachment trial si Vice President Sara Duterte tulad ng ginawa ng yumao at dating Chief Justice Renato Corona nang harapin nito ang parehong proseso noong 2012.
Ito ang binigyang-diin ni House Impeachment Prosecutor at San Juan City Representative Ysabel Maria Zamora.
Ayon kay Zamora, nais ng House Prosecution Panel na ang Bise Presidente mismo ang humarap sa Senate Impeachment Court sa halip na ipaubaya lamang ang buong paglilitis sa kaniyang mga abogado.
Noong unang linggo ng paglilitis, bumisita lamang si Duterte sa Senado upang makipagpulong sa kaniyang defense team at magbigay ng maikling pahayag sa media
Idinagdag pa ng mambabatas na matagal nang naghihintay ang publiko sa paglilitis, kaya marapat lamang na humarap siya upang sagutin ang mga akusasyon laban sa kaniya.
Ngayong linggo nakatakdang tumestigo ang kaniyang Chief-of-Staff na si Atty. Zuleika Lopez.
Si Lopez ay kasama ng Bise Presidente nang bitawan nito ang mga umano’y banta sa buhay nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.