Nagpaabot ng pakikiramay ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pamilya ng biktimang nasawi sa isang malagim na aksidente na kinasangkutan ng isang Toyota Land Cruiser na may nakakabit umanong sticker ng Kamara.
Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil na kaisa ang buong institusyon sa pagdadalamhati ng naulilang pamilya.
Kasabay nito, nilinaw ng Kamara na batay sa ginawang beripikasyon sa mga rekord ng Land Transportation Office (LTO), ang nakarehistrong may-ari ng sasakyan ay hindi miyembro ng Kamara.
Bukod dito, wala ring rekord na nagpapatunay na nabigyan ang naturang sasakyan ng opisyal na vehicle pass noong 19th at 20th Congress.
Aniya, patuloy na iniimbestigahan ng mga kinauukulang awtoridad ang insidente upang ganap na mabigyang-linaw ang mga pangyayari.
Binigyang-diin din ng opisyal na nananatiling bukas at tapat ang Kapulungan sa usaping ito, at tiniyak na maglalabas sila ng karagdagang impormasyon sa sandaling may makumpirma pang mga mahahalagang detalye ukol sa insidente.