Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na ipatupad ang revised protocol para sa mga kaso ng mga batang biktima ng pang-aabuso, kapabayaan, pagsasamantala, at diskriminasyon.
Layunin ng bagong protocol na palakasin ang child protection system ng mga LGU at tiyakin ang mas mabilis at mas maayos na pagtugon sa mga kasong kinasasangkutan ng mga bata.
Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular No. 2026-036, dapat palakasin ng mga LGU ang kanilang child protection policies, mga serbisyo, at case management system.
Nakasaad din dito ang mas pinahusay na koordinasyon sa pagitan ng mga social worker, law enforcement agencies, health workers, mga guro, at iba pang frontline service providers.
Ayon sa DILG, ina-update ng revised protocol ang 2013 Guidelines upang umangkop sa mga kasalukuyang batas at mga bagong hamon sa pangangalaga at proteksyon ng mga bata.
Hinimok ng ahensya ang mga LGU na palakasin ang kanilang mga Child Protection Committee at ang pakikipagtulungan sa iba pang mga grupo upang makabuo ng mas ligtas na komunidad para sa mga bata.