Upang mapanatili at mapalakas ang mga napanalunang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea, nagtatag ang Department of Justice (DOJ) ng isang espesyal na maritime law unit na magsisbing sentro ng legal na eksperto at impormasyon hinggil sa batas ng karagatan at sa makasaysayang arbitral ruling.
Ayon kay DOJ Secretary Fredderick Vida, binuo ang yunit na ito para maging isang “single repository” o nag-iisang imbakan ng kaalaman at legal services pagdating sa usaping pandagat.
“Parang maritime law center na tayong binuo dito sa Department of Justice para meron na tayong single repository ng expertise on this matter,” pahayag ni Vida sa isang panayam sa media.
Sa ilalim ng pamumuno ng Office of the Chief State Counsel na pinamumunuan ni Chief State Counsel Dennis Arvin Chan, hahawakan ng yunit ang mga pandaigdigang kasunduan, tratado, at ang pagpapatupad ng Arbitral Award. Si Senior State Counsel Atty. Fretti Ganchoon naman ang magsisbing lead maritime expert ng grupo.
Binigyang-diin ni Vida na mahalagang maging maalam ang mga Pilipino ukol dito, lalo pa’t ginunita nitong nakaraang Linggo ang ika-10 anibersaryo ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na nagpawalang-bisa sa “nine-dash line” claim ng China sa South China Sea.
“Ito ay desisyon na nagpatibay sa ating posisyon doon, at sa pagprotekta sa mga mangingisdang Pilipino. Ngunit siyempre, ang desisyong ito ay hindi basta-basta maipapatupad nang kusa. Kailangan nating ipaglaban ang ating karapatan,” ani Vida. Dagdag pa niya, ang laban na ito ay hindi lamang para sa kasalukuyang panahon kundi para sa mga susunod pang henerasyon ng mga Pilipino.
Samantala, nagpaabot din ng mensahe si Solicitor General Darlene Berberabe ukol sa kahalagahan ng pagkakaisa sa pagtatanggol sa teritoryo ng bansa.
“Walang iisang institusyon ang nakatayo nang mag-isa para protektahan ang West Philippine Sea,” wika ni Berberabe.
Ayon sa SolGen, ang naturang arbitral award ang nagpatibay sa “sovereign rights” ng Pilipinas sa mga yaman na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) nito, gayundin sa tradisyunal na karapatan sa pangingisda ng mga Pilipino sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal). Nagbigay rin aniya ito ng “legal certainty” o legal na katiyakan na ang mga yamang-dagat ng bansa ay pagmamay-ari at para lamang sa mamamayang Pilipino.