May sinusunod na security template ang Philippine National Police (PNP) para sa mga malalaking aktibidad sa bansa, kabilang na ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay PNP Acting Spokesperson, Police Col. Allen Rae Co, nakalatag na ang kanilang Comprehensive Security Plan para sa naturang okasyon.
Tuloy-tuloy din aniya ang kanilang pagbabantay para sa mga posibleng banta sa seguridad upang agad itong magawan ng kagyat na aksyon.
Bagaman may ilang militanteng grupo na ang nagpahayag na magsasagawa ng kanilang pagtitipon, sinabi ni Co na hanggang sa ngayon ay wala silang namo-monitor na anumang potensyal na banta.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Police Maj. Gen. Anthony Aberin, humigit kumulang 20,000 pulis gayundin ng mga force multiplier ang ipakakalat para tiyakin ang seguridad at kaayusan sa SONA ng Pangulo.
Kasama na rin sa bilang ang nasa 9,700 na mga pulis na magsisilbing Civil Disturbance Management para panatilihin ang kaayusan at kapayapan sa July 27.