Personal na nagsagawa ng inspeksyon si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chair Atty. Vigor Mendoza II sa Culiat Bridge II sa Congressional Avenue, Quezon City, na naapektuhan ng sunog noong July 11 at nagresulta sa pansamantalang pagsasara nito.
Sinuri nito ang ipinatutupad na rerouting scheme para sa mga public utility vehicles (PUVs) para matiyak ang tuloy-tuloy na biyahe ng mga commuter sa kabila ng pagsasara ng tulay.
Kaugnay nito, nagdeploy na rin ang LTFRB ng mga tauhan mula sa Law Enforcement Unit (LEU) para tumulong sa pagpapatupad ng rerouting at magbigay ng gabay sa mga drayber at pasahero.
Ayon sa LTFRB, patuloy itong nakikipag-ugnayan sa Department of Transportation at iba pang kaukulang ahensya para mabawasan ang abala sa mga biyahero at matiyak ang maayos na daloy ng pampublikong transportasyon habang isinasagawa ang technical assessment sa Culiat Bridge.

