Agad nagisyu ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) sa isang konsehal sa Calamba City, Laguna na sangkot sa viral na paglabag sa ibat ibang batas trapiko.
Sa viral video, nakita ang sasakyan ng konsehal na nag-counterflow, paulit-ulit na nagpapalit ng linya, at gumagamit ng sirena habang bumibiyahe sa isang pampublikong kalsada.
Dahil dito, pinahaharap ng LTO ang sangkot na konsehal sa pagdinig sa Central Office sa July 17 kasama ang motorsiklong nag-escort sa naturang sasakyan.
Pinagsusumite rin ito ng paliwanag kung bakit hindi ito dapat managot sa mga kasong Reckless Driving, Operating with Unauthorized Parts and Accessories, at kung bakit hindi dapat ideklara bilang Improper Person to Operate a Motor Vehicle na maaaring magresulta sa pagsuspinde o pagbawi sa lisensya ng drayber.
Kasabay nito, iniutos din ng LTO ang agarang pagsuko ng driver’s license ng sangkot na driver, na isinailalim sa 90-araw na preventive suspension habang isinasagawa ang imbestigasyon. Inilagay rin sa alarm ang naturang sasakyan ng konsehal.