Blacklisted na ng pamahalaang lungsod ng Mandaluyong ang supplier na nag-deliver ng mga kulang sa timbang na sako ng bigas sa ilalim ng programang “Bawat Bayan Makikinabang,” ayon sa Palasyo kagabi.
Sa isang press briefing sa Malacañang, kinumpirma ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang naging desisyon ng lokal na pamahalaan. Ito ay matapos madiskubre na nasa 50 sako ng bigas ang naglalaman lamang ng walong kilo, imbes na itinakdang 10 kilo.
Nabatid na aabot sa 29,500 sako ng bigas ang ipinamahagi sa naturang aktibidad, at maliit na bahagi lamang nito ang napatunayang kulang sa timbang. Hindi naman pinangalanan ng Palasyo ang nasabing supplier.
Binigyang-diin ni Castro na hindi pinapalampas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ganitong mga insidente dahil karapatan ng mga benepisyaryo na matanggap ang buong tulong na nakalaan para sa kanila.
“Hindi po ito nanaisin ng Pangulo. Kung ano ang dapat ibigay sa taumbayan, dapat ibigay,” pahayag ni Castro.
Ayon pa sa opisyal, inamin naman ng supplier ang kanilang pagkakamali, humingi ng paumanhin sa Mandaluyong LGU, at nangakong papalitan ang mga kulang na bigas.
Bilang pawi-bawi, ang mga pamilyang nakatanggap ng walong kilong sako ay bibigyan pa ng karagdagang 10 kilo ng bigas, at hindi na rin babawiin sa kanila ang unang naipamahagi.
“Sila po ang nagkaroon ng pagkakamali dito at humingi na raw po sila ng paumanhin sa Mandaluyong LGU,” dagdag ni Castro.
Kasalukuyan na ring nagpapatupad ng hiwalay na imbestigasyon ang Mandaluyong City government hinggil sa insidente.
Una rito, nagreklamo ang ilang residente matapos mapansin na bawas ang timbang ng bigas na kanilang natanggap mula sa Local Government Support Fund (LGSF) na bahagi ng malawakang distribusyon ng “Bawat Bayan Makikinabang.”