Nananatiling nakaalerto ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tumugon sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng Tropical Depression Josie.
Ayon sa DSWD, inatasan na ni Secretary Rex Gatchalian ang lahat ng regional field offices na ihanda ang mga specialized disaster response equipment tulad ng mobile command centers, mobile kitchens, water trucks, at water filtration machines.
Batay sa pinakahuling tala ng DSWD, may 4.75 milyong family food packs na nakapreposisyon sa iba’t ibang bodega sa buong bansa.
Bukod dito, mayroon ding halos ₱490.7 milyon na halaga ng iba pang food items, ₱665.3 milyon na non-food relief items, at ₱568.96 milyon na standby funds na maaaring gamitin sa agarang pagtugon sa kalamidad.
Kasunod nito ang panawagan ng DSWD sa publiko, na manatiling alerto at makipag-ugnayan sa kani-kanilang lokal na pamahalaan habang binabantayan ang galaw ng Tropical Depression Josie.