Mahigit 4.75 milyong family food packs ang inihanda na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga pamilyang maaaring maapektuhan ng Tropical Depression Josie.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, inatasan ni Secretary Rex Gatchalian ang mga regional field office na ihanda ang mga kinakailangang kagamitan gaya ng mobile command centers, mobile kitchens, water trucks, at water filtration machines.
Batay sa ulat ng DSWD, nasa 4,750,969 family food packs ang nakaimbak sa iba’t ibang bodega at distribution hubs sa buong bansa.
Mayroon ding nakahandang food at non-food relief items ang ahensya, gayundin ang standby funds para sa agarang pagtugon sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo.
Hinimok ni Dumlao ang publiko na manatiling alerto at makipag-ugnayan sa kanilang mga lokal na pamahalaan habang patuloy na mino-monitor ang galaw ng Tropical Depression Josie.