Bumuo na ng Special Investigation Task Group (SITG) ang Police Regional Office – Negros Island Region (NIR) na siyang tututok sa kaso ng pagpatay sa American Marine Biologist sa Negros Oriental, kagabi.
Sa panayam kay Negros Island Region Police Director, Police Brigadier General Romano Cardiño, kanila pang pinaigting ang imbestigasyon para sa ikareresolba ng kaso.
Bukod kasi sa pagkasawi ng 73 anyos na American national na si Kent Edward Carpenter, sugatan din ang nobya nito nang biglang pasukin ng tatlong salarin ang kanilang tinutuluyan sa Purok 3, Brgy. Ajong sa bayan ng Sibulan.
Paliwanag ni Cardiño, binubuo ang SITG ng mga imbestigador at specialized units na nakatutok sa case buildup, intelligence gathering, evidence processing, at pag-aresto sa mga suspek.
Magsasagawa rin sila ng forensic examinations, backtracking at forward tracking operations, kasama na ang review ng posibleng CCTV footage, witness interviews, intelligence validation, at reconstruction ng mga suspek bilang bahagi ng imbestigasyon.