Nanawagan si 1-Rider Party-list Representative Rodge Gutierrez sa lahat ng lokal na pamahalaan (LGUs) na sumunod sa mas mataas na pamantayan ng pagpapatupad ng No Contact Apprehension Program (NCAP).
Ito ay kasunod ng resolusyon na inilabas ng Korte Suprema na nagbabasura sa mga pinagsama-samang petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng NCAP sa Metro Manila.
Nilinaw ni Gutierrez, na siya ring Senior Vice Chairperson ng House Committee on Transportation, na ibinasura ang mga petisyon dahil sa usapin ng “mootness” kasunod ng pagpapatupad ng Metro Manila Traffic Code of 2023 (MMTC 2023), at hindi dahil sa mga usaping konstitusyonal na inihain ng mga petisyoner.
Aniya, iginagalang niya na procedural ang dahilan kung bakit na-dismiss ang mga petisyon.
Pero paglilinaw niya na ang mga pangunahing concern tungkol sa due process, privacy, at karapatan ng mga motorista ay hindi pa rin nalutas sa substance ng kaso.
Dahil dito, hinimok ng deputy majority leader ang mga LGU na tapatan o higitan pa ang mataas na pamantayang inilatag sa Metro Manila upang matiyak na walang korapsyon at patas ang pagpapatupad ng batas-trapiko para sa mga motorista.