Nanawagan si House Trial Spokesperson at Lanao Del Sur Rep. Zia Alonto-Adiong na suriin mabuti ang “essence” ng testimonya ng saksi at huwag maligaw sa teknikalidad o clerical error na pinalalabas ng depensa.
Ginawa ni Adiong ang pahayag matapos idaan sa teknikalidad at “clerical error” ng depensa ang takbo ng impeachment trial, kahapon.
Ayon kay Adiong, tinangka ng depensa na ilihis ang atensyon ng publiko, mula sa bigat ng testimonya ni NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc sa teknikalidad na aspeto ng papeles gaya ng petsa.
Samantala, nanindigan naman si Lotoc na nakakita ang National Bureau of Investigation (NBI) ng prima facie evidence na may “makatwirang katiyakan ng pagka-kondena” (reasonable certainty of conviction) laban kay Bise Presidente Sara Z. Duterte.
Ito ay may kaugnayan sa kaniyang mga hayagang pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.