Suportado ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang mga panukalang ideklarang holiday ang July 12 bilang pagdiriwang na rin sa pagkapanalo ng Pilipinas kontra China hinggil sa usapin ng West Philippine Sea.
Sa kaniyang pagbisita sa Cebu City, sinabi ni Teodoro na dapat pa itong palawakin bilang “Maritime Victory Day” na ipagdiriwang ng buong bansa.
Una rito, nagpasalamat si Teodoro sa Cebu City na nagpasa ng ordinansa para ideklara ang July 12 bilang West Philippine Sea Victory Day at hinikayat niya ang iba pang LGU na gayahin ito.
Giit ng kalihim, hindi lamang ito basta ligal na tagumpay kundi isa sa mga hakbang na dapat gawin ng Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Samantala, sa isang hiwalay na panayam sa Albay, tinanong si Teodoro kung may plano ba itong tumakbo sa halalan sa 2028. Kaniyang sagot, nakatutok siya sa trabaho at “kung uukol, bubukol.”
