Muling binalot ng takot at pangamba ang komunidad ng San Jose National High School (SJNHS) sa Tacloban City matapos dagsain ng isang online gun threat ngayong Martes, Hulyo 14, na nagbunsod sa pagsuspinde ng lahat ng antas ng klase sa naturang paaralan.
Ayon sa opisyal na pahayag na inilabas ng administrasyon ng SJNHS sa kanilang opisyal na Facebook page, isang mensahe ang ipinadala sa pamamagitan ng Messenger mula sa isang indibidwal na nagpakilalang “JM Magallanes.” Sa naturang chat, tahasang sinabi ng nagpadala na siya ay kaibigan ng isang nagngangalang “Nash.”
Batay sa imbestigasyon, naglaman ang mensahe ng pananakot kung saan may sampung armadong indibidwal diumano ang nakatakdang pumasok sa compound ng paaralan upang maghasik ng karahasan. Hayagang tinukoy sa banta na ang pangunahing target ng planong pamamaril ay ang mga mag-aaral sa Grade 7 at Grade 8, bukod pa sa ilang mga tiyak na pangalan ng estudyante na idiniin sa mensahe.
Dahil sa matinding alarmang idinulot nito sa mga mag-aaral, mga guro, at mga magulang, nagpasya ang pamunuan ng paaralan na unahin ang kaligtasan ng lahat at ipatigil muna ang operasyon ng klase ngayong araw.
Matatandaang ang pangalang “Nash” ay tumutukoy sa 14-anyos na suspek na nasa likod ng madugong pamamaril sa loob mismo ng naturang eskwelahan noong nakaraang Hunyo 22, 2026. Ang trahedyang iyon ay nagresulta sa pagkasawi ng tatlong estudyante at pagkasugat ng dalawampong iba pa.
Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang pamunuan ng San Jose National High School sa mga lokal na awtoridad upang suriin ang kredibilidad ng banta at matunton ang pinagmulan ng mensahe.
Pinaigting din ang seguridad sa paligid ng paaralan habang patuloy ang malalimang imbestigasyon upang matiyak ang kaligtasan ng buong komunidad ng eskwelahan laban sa anumang banta ng terorismo at karahasan.
📸 San Jose NHS