Screenshot
Sa bisa ng utos ng Sandiganbayan 3rd Division, nakatakdang isailalim ngayong araw sa isang independent medical examination sa University of the Philippines–Philippine General Hospital (UP-PGH) si Senador Rodante Marcoleta.
Ito ay para matukoy kung kinakailangan pa ang kanyang pananatili sa Philippine National Police (PNP) General Hospital.
Batay sa kautusan ng korte, dapat dalhin ng mga opisyal ng PNP-CIDG at PNP Health Service ang senador sa UP-PGH mamayang alas-12 ng tanghali.
Inatasan din ng korte si UP-PGH Director Dr. Gerardo Legaspi o ang kanyang kinatawan na magsumite ng medical report at rekomendasyon sa miyerkules, July 15, partikular kung may agarang pangangailangan pa para manatiling naka-confine ang senador sa PNP General Hospital.
Kasunod nito, inatasan din ang mga opisyal ng PNP na ibalik agad si Marcoleta sa PNP General Hospital at iharap siya sa pagdinig ng Sandiganbayan sa Miyerkules din.
Si Marcoleta ay nahaharap sa kasong plunder at paglabag sa PD 46 kaugnay ng umano’y pagtanggap ni Marcoleta ng ₱75 milyong campaign donations.
