Hinihikayat ng Commission on Elections (Comelec) ang mga lokal at internasyonal na observer o tagamasid na bantayan ang kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) na gaganapin sa darating na Setyembre 14 upang matiyak ang kredibilidad at integridad ng halalan.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, inaasahan ng komisyon ang malawak na pakikilahok ng iba’t ibang sektor at stakeholder sa nasabing botohan.
“Kung mayroon mang pinakamataas na konsentrasyon ng mga tagamasid, ito ay sa Bangsamoro. Nais nating ipakita sa buong mundo na iba ang halalan sa Bangsamoro,” pahayag ni Garcia sa isang media briefing noong Lunes.
Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 11247, inihayag ng komisyon na marami nang ahensya ng pamahalaan at mga organisasyon mula sa civil society ang nagpahayag ng interes na magsilbing tagamasid.
“Ang pagbabantay sa halalan ay kinikilala sa buong mundo bilang isang mahalagang mekanismo upang matiyak ang integridad ng eleksyon at mapatibay ang tiwala ng publiko sa demokratikong proseso,” anang resolusyon.

Nagpaalala naman ang Comelec na ang mga nagnanais maging tagamasid ay dapat may malinis na intensyon at walang anumang “conflict of interest” sa usaping politikal, ekonomikal, o iba pang bagay na maaaring makaapekto sa kanilang pagiging patas.
Bibigyan ng access ang mga akreditadong observer sa lahat ng yugto ng proseso ng halalan, subalit may mga partikular pa ring kondisyon na dapat sundin. Ang huling araw ng paghahain ng aplikasyon para sa akreditasyon ay sa Agosto 15.
Pakikipagtulungan sa mga Unibersidad para sa Voters’ Education
Samantala, sa pamamagitan naman ng Resolution No. 11249, itinalaga ng Comelec ang limang state universities and colleges (SUCs) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) upang tumulong sa malawakang voter education o paggabay sa mga botante.
“Nakikita ng Komisyon ang pangangailangan na hingin ang tulong ng mga SUC, iba pang institusyon ng kaalaman, at mga ahensya ng pamahalaan sa BARMM upang mapalawak ang abot at bisa ng mga programa sa voter education para sa paghahanda sa BPE,” saad sa resolusyon.
Ang mga nakatalagang paaralan ay ang mga sumusunod:
- Mindanao State University at mga kaakibat nitong kampus (Marawi, Maguindanao, at Tawi-Tawi College of Technology and Oceanography)
- Cotabato State University
- Upi Agricultural School
- Tawi-Tawi Regional Agricultural College
- Basilan State College
Magbibigay ang mga naturang paaralan ng mga lugar, pasilidad, kagamitan, at suportang lohistikal nang walang anumang bayad upang matiyak ang tagumpay ng kampanya para sa edukasyon ng mga botante.