Binuksan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang “Nature Park” sa Brgy. Lantic sa Carmona, Cavite.
Ayon sa MMDA, bahagi ito ng kanilang urban renewal at pagsusulong ng eco-tourism sa pamamagitan ng paglikha ng mas maraming green space para sa publiko.
Dito, maaaring magtungo upang mag-ehersisyo, magpiknik, at mag-unwind habang pinagmamasdan ang luntiang kapaligiran.
Pinaganda ng MMDA ang dating sanitary landfill o tambakan ng basura na nagsara at inabandona noong 1998 para pakinabangan ng publiko alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Bukod sa pagiging eco-park, matatagpuan din dito ang KADIWA ng Bayan Store bilang pagsuporta sa KADIWA ng Pangulo (KNP) Program ni Pangulong Marcos Jr., na naglalayong magbigay ng abot-kayang produktong agrikultural sa publiko.
Makikita rin dito ang bamboo pavilion at isang seedling nursery na may kakayahang magparami ng kawayan na bahagi naman ng mga hakbang ng MMDA sa pangangalaga sa kalikasan at sa paggamit ng kawayan bilang natural na proteksyon laban sa pagbaha.
Nagtayo rin ang ahensya ng Disaster Preparedness Training Center kung saan, dito papandayin ang mga pagsasanay kaugnay sa mga programa hinggil sa disaster preparedness, emergency response, at rescue operations.