Binigyang-diin ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang kahalagahan ng pagpapabilis sa digital transformation ng bansa.
Ayon sa kaniya, ang mga inisyatiba tulad ng GovNet ang magbibigay-daan sa pamahalaan upang makapaghatid ng mas mabilis, mas transparent, at mas madaling maabot na serbisyo-publiko para sa mga Pilipino.
Ang mensahe ng Speaker ay ipinarating sa kaniyang kinatawan na si Isabela Board Member Manuel Faustino “King” Dy sa ginanap na paglulunsad ng GovNet sa Ilagan, Isabela, na pinangunahan ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sa kaniyang mensahe, inilarawan ni Dy ang GovNet bilang daan tungo sa mas mahusay na pamamahala na sumasalamin sa mga pagsisikap ng administrasyong Marcos na i-modernisa ang pisikal at digital na imprastraktura ng bansa.
Aniya, malinaw ang hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. hindi lamang ang pagtatayo ng mga kalsada at tulay bagkus maging ang digital infrastructure upang makapaghatid ng mga serbisyong kapaki-pakinabang at mas maginhawang buhay para sa bawat Pilipino.