Iminungkahi ng isang mahistrado ng Korte Suprema na mas higpitan ang pagbabantay sa mga proyekto ng pamahalaan upang matiyak na nagagastos nang tama ang mga pondo.
Sa pagpapatuloy ng oral arguments sa mga petisyong kumukuwestiyon sa unprogrammed appropriations sa mga nakalipas na taon, sinabi ni Associate Justice Raul Villanueva na mainam na masusing suriin ang mga resibo ng mga proyekto, gaya ng flood control.
Binanggit niya ang mga progress billing na nagsisilbing batayan sa paglalabas ng pondo para sa mga infrastructure project at kung ilang porsyento na ang natatapos sa mga ito.
Sinabi naman ni Solicitor General Darlene Berberabe, na kumakatawan sa gobyerno bilang respondent sa mga petisyon, na maraming batas ang umiiral upang matiyak na nagagamit nang maayos ang pondo.
Matapos ang oral arguments kahapon, inatasan ng Kataas-taasang Hukuman ang gobyerno, bilang respondent, na kumpletuhin ang lahat ng hinihinging dokumento sa loob ng 15 araw.
Ayon kay Chief Justice Alexander Gesmundo, aaksyunan ito ng Korte sa sarili nitong timeline, at tatalakayin pa rin ng Kongreso ang panukalang 2027 national budget makapagsumite man o hindi ang respondent ng mga hinihinging dokumento ng hukuman.
