Mariing nilinaw ng prosecution team na hindi kaduwagan o dahil sa takot ang kanilang desisyon na huwag nang isalang sa pagtatanong ang dalawang naka linyang testigo sa Senate Impeachment Court, partikular na sina Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez at Capt. Belinda Bello.
Ayon kay Private Prosecutor Atty. Lorna Kapunan, ang hakbang na ito ay bunsod ng pagiging praktikal dahil “redundant” o hindi na kailangan ang kanilang testimonya, at magiging aksaya lamang ito sa oras ng korte.
Ipinaliwanag ni Kapunan, na bagaman personal niyang nais na isailalim sa cross-examination si Lopez, nagpasya ang buong panel na huwag na itong ituloy—isang patunay aniya na alam ng prosekusyon kung kailan dapat huminto at hindi lamang nagpapadala sa personal na kagustuhan.
Itinanggi rin ng beteranong lawyer ang mga espekulasyon na may naganap na “backdoor channeling” o lihim na pakikipag-usap sa pagitan ng prosekusyon at ng kampo ng depensa, na nagbunsod sa naturang pasya.
Samantala, pinabulaanan din ni Kapunan ang mga naunang pahayag ni Bise Presidente Sara Duterte na walang sapat na hawak na ebidensya ang prosekusyon laban sa kanya upang mapatunayan ang mga akusasyon ng “grave threats.”
Bilang tugon, nag-iwan ng babala ang lawyer sa kampo ng Bise Presidente, na maghanda sa mga susunod na araw ng paglilitis dahil marami pang naka linyang matitibay na ebidensya ang prosecution panel upang idiin ang pananagutan ng ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.