Tiwala si Impeachment Manager at Spokesperson Robert Ace Barbers na mas lalo pang tumibay ang mga ebidensya at testimonya ng House Prosecution sa pagtatapos ng ikalimang araw ng paglilitis laban kay VP Sara Duterte.
Ayon kay Barbers, walang naganap na pagtatanggi sa panig ng depensa hinggil sa kumalat na video kung saan maririnig ang pagbabanta ng Bise Presidente sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — isang video na napanood ng buong sambayanang Pilipino.
Binigyang-diin din ni Barbers na bigo ang depensa na pasubalian ang testimonya ng dalawang opisyal mula sa National Bureau of Investigation (NBI) na si NBI Agent Mark Calilung at Regional Director Atty. Jeremy Lotoc.
Ang mga testimonya umanong ito ang nagpapatunay na seryoso at may bigat ang binitiwang banta ng Bise Presidente.
Sa halip na harapin ang mismong akusasyon, kapansin-pansin aniyang nakatutok lamang ang depensa sa mga teknikalidad.