Handa nang tumanggap ng mga pasyenteng sumailalim sa kidney transplant ang De Los Santos Medical Center sa Quezon City matapos itong maging kauna-unahang pribadong ospital sa Metro Manila na na-accredit para sa PhilHealth Z Benefit Package for Post-Kidney Transplantation Services.
Layon ng programa na suportahan ang mga pasyenteng sumailalim sa kidney transplant sa pamamagitan ng pagbibigay ng benepisyo para sa mga kinakailangang gamot, laboratory test, at iba pang follow-up services upang matiyak ang tuloy-tuloy na paggaling ng mga ito.
Saklaw ng package ang immunosuppressive medicines, antibiotic prophylaxis, regular na laboratory examinations, at iba pang serbisyong medikal.
Ayon kay Dr. Nilo De Los Santos, Chief Medical Officer ng ospital, malaking tulong ang bagong benepisyo upang mabawasan ang gastusin sa post-transplant care at mabigyan ng pagkakataon ang mga pamilya na higit na matutukan ang paggaling ng pasyente.
Aniya, makatutulong din ito upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng access sa post-transplant support.
Samantala, sinabi ni Dr. Arwin Ronan Ronsayro, Head ng Kidney Transplant Unit ng De Los Santos Medical Center, na matagal nang hinihintay ng kanilang mga pasyente ang naturang benepisyo mula sa PhilHealth.
Aniya, maaaring umabot sa humigit-kumulang ₱50,000 kada buwan ang subsidiyang matatanggap ng isang pasyente sa ilalim ng Post-Kidney Transplant Benefit Package, depende sa kanyang pangangailangan.
Sa ngayon, mayroon nang ilang pasyente ng ospital na nakinabang sa bagong PhilHealth package.
Bukod sa De Los Santos Medical Center, kabilang din sa mga accredited provider ng post-kidney transplant package ang Philippine General Hospital (PGH) at ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI).
Bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang access ng mga Pilipino sa mas abot-kaya at tuloy-tuloy na gamutan.