‘Lagay’ system sa paghuli ng mga street vendors, sinita ni Senador Erwin Tulfo.
Binatikos ni Senador Erwin Tulfo ang umiiral na sistemang “lagay” o pangingikil sa ilang street vendor at ambulant vendor sa bansa.
Sa pagdinig sa Senado tungkol sa mga panukalang Magna Carta para sa mga informal ambulant vendor, sinabi ni Tulfo na may mga nagtitinda sa lansangan na hinuhuli kapag hindi nagbibigay ng pera sa ilang awtoridad.
Ayon sa senador, may mga vendor na napipilitang magbigay ng lagay sa mga hawker, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, maging sa ilang tauhan ng pulisya para makapagpatuloy sa kanilang pagtitinda.
Sinabi ni Senator Erwin na hindi patas ang ganitong sistema dahil may mga vendor na pinapayagang manatili sa kanilang puwesto habang ang iba ay agad na hinuhuli dahil lang sa hindi pagbibigay ng pera.
Sa naturang pagdinig, inamin naman ni League of Municipalities of the Philippines representative Atty. Mary Ann De Vera na hindi lahat ng lokal na pamahalaan ay may maayos na sistema ng pagpaparehistro para sa mga ambulant vendor.
Ayon pa kay Tulfo, ang kawalan ng malinaw na ordinansa at sistema sa ilang lugar ang nagiging dahilan para maging bulnerable sa pang-aabuso ang mga ambulant vendor.
Dahil dito, iginiit ng senador ang pangangailangan ng isang batas o lokal na ordinansa para maprotektahan ang mga vendor habang nananatili ang maayos na regulasyon sa kanilang operasyon.
Samantala, pinaalalahanan din ni Tulfo ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na ipagpatuloy ang polisiya nito na huwag kumpiskahin ang mga paninda ng mga mahuhuling vendor sa panahon ng clearing operations. | ulat ni Nimfa Asuncion