Giniit ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na hindi nangangahulugan na mapapaikli na rin ang kabuuang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kahit inaasahang matatapos nang mas maaga sa schedule ang pagtalakay sa Article IV ng articles of impeachment.
Sinabi ni Tongol na bagama’t nakatipid na ng ilang araw matapos bawiin ng House prosecution panel ang anim pang testigo para sa Article IV na tumatalakay sa umano’y grave threats ni Duterte, maaari pa ring gamitin ang mga araw na ito sa ibang bahagi ng paglilitis.
Tatlo na lang sa orihinal na 11 testigo ng prosekusyon para sa Article IV ang ihaharap matapos hindi na ituloy ang presentasyon ng sa iba pang mga testigo.
Sa orihinal na schedule, naglaan ng 11 trial days para sa artikulong ito para magkaroon ng tig-isang araw ang bawat testigo para sa kanilang pagsusuri at cross-examination.
Gayunman, ang unang araw ng pagdinig ay inilaan sa mga paunang usapin habang tig-dalawang araw naman ang nagugol para sa direct at cross-examination ng unang dalawang testigo.
Ang ikaanim na araw ng paglilitis ay inilaan naman sa oral arguments kaugnay ng kahilingan ng prosekusyon na makakuha ng subpoena para sa mga bank records at tax records nina VP Sara.
Nakatakda namang gamitin ang ikapitong araw ng paglilitis sa July 20 para sa deliberasyon at pagpapasya ng impeachment court sa nasabing kahilingan para sa subpoena.
Samantala, sa July 21 naman ihaharap ng prosekusyon ang huli nitong testigo para sa Article IV, si National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag.
Matapos ang presentasyon ni Matibag, tatalakayin naman ng impeachment court ang Article I na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng 612.5 million pesos confidential funds ng bise presidente. | ulat ni Nimfa Asuncion