Pinahintulutan na ng Civil Service Commission (CSC) ang mas flexible na pagpapatupad ng four-day compressed workweek sa mga ahensya ng pamahalaan.
Kasunod ito ng inilabas na updated policy ng komisyon na nakalinya sa modernization efforts ng gobyerno.
Ayon kay CSC Chair Marilyn Yap, layon nitong mapangalagaan ang kapakanan ng mga empleyado, habang tinitiyak na nananatiling accessible sa publiko ang mga serbisyo ng gobyenro.
Sa ilalim ng updated policy, maaaring ipatupad ng mga ahensya ang 40-hour workweek sa loob ng apat na araw, habang sila na rin ang magtatakda ng oras ng trabaho at karagdagang day off, basta’t nananatiling bukas ang mga tanggapan at tuloy-tuloy ang serbisyo sa publiko mula Lunes hanggang Biyernes.
Saklaw rin ng polisiya ang mga frontline at on-site personnel, basta’t hindi maaapektuhan ang face-to-face public services at aprubado ito ng kanilang ahensya.
Nilinaw din ng CSC na walang mababawas sa leave benefits ng mga empleyadong nasa compressed workweek.