Tuloy-tuloy ang pagkilos ng pamahalaan upang mas matulungan ang mga magsasaka ng palay na mapataas ang kanilang produksiyon sa pamamagitan ng mga post-harvest facility.
Sa panayam ng programang BOSES kay National Food Authority (NFA) Administrator Dr. Larry Lacson, hindi tumitigil ang Department of Agriculture at NFA sa utos na rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas moderno ang mga post-harvest facility sa buong bansa.
Sa ngayon mayroon nang 36 na post-harvest facility sa buong Pilipinas na maaaring mapakinabangan ng mga magsasaka.
Ilan sa mga serbisyong ibinibigay nito sa mga magsasaka ay ang grinding at milling ng bigas gayundin ang pagpapatuyo ng palay at maging ang packaging.
Giit pa ni Lacson na bukod sa mga modernong post-harvest facilities sa Region 7 nagtatayo rin ang NFA ng mga katulad na pasilidad sa iba pang rehiyon ng bansa na may mataas na produksiyon ng bigas tulad ng Regions 1, 2, 3, 4, 5, 6, 9, at 12.
Malaking tulong din ang mga pasilidad na ito sa mga magsasaka upang mabawasan ang post-harvest wastage at losses kaya naman mas tumataas ang kanilang kita gayundin ay nakatitiyak na mas mataas ang kalidad ng kanilang bigas.