Nakahanda na ang Maynilad Water Services Inc. sa posibleng epekto ng El Niño kahit bumaba na sa kritikal na antas ang tubig sa Angat Dam.
Ayon sa Maynilad, patuloy ang kanilang mga hakbang upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig sa kanilang mga consumer.
Kabilang sa kanilang mga hakbang ang mas maingat na pamamahala ng pressure line ng tubig, paggamit ng regulating valves, at pakikipag-ugnayan sa mga ahensya tulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Metropolitan Waterworks and Sewerage System, at PAGASA.
Ayon kay Maynilad spokesperson Jen Rufo, mas handa na ngayon ang kumpanya kumpara noong nakaraang El Niño noong 2019.
Aniya, mas marami na silang karagdagang pinagkukunan ng tubig, mas kaunti na ang nawawalang tubig dahil sa pagpapalit ng mga lumang tubo, at mayroon na silang mga alternatibong source tulad ng Laguna Lake, reused water, at mga modular treatment plant.