Binigyang-diin ng House leader ang kahalagahan ng wastong nutrisyon para sa mga kabataang Pilipino, kasabay ng pagtiyak na prayoridad ng ika-20 Kongreso ang mga batas na magsusulong sa kalusugan at edukasyon ng susunod na henerasyon.
Sa isang video message para sa pagdiriwang ng National Nutrition Month, inihayag ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na isa sa mga unang panukalang batas na ipinasa ng Kamara ay ang pagpapalawak ng school-based nutrition program ng pamahalaan.
Layunin ng hakbang na mas maparami pa ang bilang ng mga mag-aaral na makatatanggap ng masustansyang pagkain sa mga paaralan upang mas maging handa sila sa kanilang pag-aaral at sa buhay.
Ipinaalala rin ni Speaker Dy sa publiko na ang kalusugan ng mga bata ay direktang nakaugnay sa kalagayan ng kapaligiran.
Hinimok din ng Kamara ang mga pamilya, paaralan, lokal na pamahalaan, at buong komunidad na magtulungan at makiisa sa mga programang pangnutrisyon at pangkalikasan.
