Ipinag-utos ni PNP Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. sa lahat ng kinauukulang yunit ng pulisya na paigtingin pa ang manhunt operation laban sa natitirang suspek sa pagpaslang sa Amerikanong marine biologist na si Kent Carpenter sa Sibulan, Negros Oriental.
Kinilala ng pulisya ang ika-apat na suspek sa alyas na “Eden,” na umano’y tumangay sa mga ninakaw na gamit ng mga biktima.
Ayon kay Nartatez, puspusan na ang kanilang mga ginagawang intelligence gathering kasabay ng patuloy na pakikipag-uugnayan sa iba pang police unit para sa mas malalimang imbestigasyon sa kaso.
Giit niya, hindi titigil ang PNP hangga’t hindi naaaresto ang lahat ng sangkot at naihaharap sa hukuman.
Nanawagan ang PNP sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang impormasyong maaaring makatulong sa agarang pagkakaaresto sa natitirang suspek. | ulat ni Diane Lear