Iginiit ni senator-judge Alan Peter Cayetano na maaaring imbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 2019 Southeast Asian (SEA) Games nang hindi ito inaanunsyo sa publiko.
Aniya, maaari kasi itong makaapekto sa integridad ng impeachment court habang nagpapatuloy ang paglilitis sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa ikaanim na araw ng impeachment trial nitong miyerkules, sinabi ni Cayetano na wala siyang tutol sa anumang imbestigasyon.
Gayunman, kinuwestiyon niya pagpapahayag ng NBI sa publiko sa halip na tahimik na magsagawa muna ng imbestigasyon.
Nagbigay ng pahayag si Cayetano matapos maghayag ng pangamba ang kanyang kapwa senator-judge na si Robin Padilla kaugnay ng naging anunsyo ng NBI habang nagpapatuloy ang impeachment trial.
Ayon kay Cayetano, hindi ang imbestigasyon ang kanyang kinukuwestiyon kundi ang naging epekto ng pag-aanunsyo nito sa kredibilidad ng impeachment court.
Sinabi rin ni Cayetano na ilang ulit nang naimbestigahan ang SEA Games, kabilang na sa Senado at sa Office of the Ombudsman kung saan personal siyang humarap para sagutin ang mga tanong kaugnay ng pagho-host ng Pilipinas sa regional sporting event.
Tinawag din niyang isang “misfire” ang naging anunsyo ng NBI at pinabulaanan ang pahayag ni NBI Director Melvin Matibag na iniuugnay siya sa infrastructure component ng SEA Games.
Aniya, hindi ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), na kanyang pinamunuan, ang may pananagutan sa mga proyektong binanggit ng NBI.
kinondena rin ni senator-judge pia cayetano ang timing ng pahayag ni NBI director matibag tungkol sa pag iimbetiga sa mga imprastrakturang pinatayo para sa 2019 SEA games.
Para kay Senator-Judge Pia, layon nitong i-distract at i-intimidate sila, partikular si Minority Leader Alan Peter Cayetano sa isinasagawang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Hindi aniya katanggap-tanggap ang kilos na ito at posible ring maging subject sa contempt of court.
Matatandaang nakatakdang humarap sa impeachment court si Matibag sa susunod na linggo bilang testigo ng prosekusyon sa article 4 (assassination plot at inciting to sedition) ng articles of impeachment laban kay VP Sara. | ulat ni Nimfa Asuncion