Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) ang pagtataas ng buying price ng palay habang pansamantalang ititigil ang pagdating ng mga imported na bigas sa iloilo sa panahon ng anihan.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., simula sa susunod na anihan sa Setyembre, itataas ng National Food Authority ang minimum buying price ng palay sa P21 kada kilo mula sa dating P17 kada kilo.
Ito ay upang makatulong sa mgamagsasaka na maibsan ang tumataas na gastos sa pataba at iba pang farm inputs.
Inanunsyo rin ni Laurel na hindi papayagang magbaba ng imported na bigas sa mga pantalan ng Iloilo mula kalagitnaan ng September hanggang katapusan ng November upang hindi bahain ang merkado ng imported na suplay sa kasagsagan ng anihan.
Sinabi ni kalihim na ang mga hakbang ay inaasahang makatutulong upang mapanatili ang mas magandang farmgate price ng palay at matiyak na mas magandang kita ng mga magsasaka mula sa kanilang ani.
Bahagi ito ng mga hakbang ng pamahalaan upang mapalakas ang suporta sa mga magsasaka at higit na mapatatag ang suplay ng bigas sa bansa. | ulat ni Diane Lear