Agad nagpadala ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ng 15-anyos na binatilyong nasawi matapos masaksak ng isang child in conflict with the law (CICL) habang pauwi sa Blumentritt Road sa Sampaloc, Maynila nitong Martes, July 14.
Ayon sa DSWD, personal na nagpaabot ng pakikiramay ang mga tauhan ng DSWD Field Office (FO) National Capital Region (NCR) sa pamilya ng biktima.
Naglaan din ang ahensya ng ₱10,000 financial assistance at dalawang family food packs (FFPs) bilang paunang tulong sa pangangailangan ng pamilya.
Kasalukuyan ding pinoproseso ng DSWD ang Guarantee Letter (GL) para sa gastusin sa pagpapalibing, habang nakatakdang mabigyan ng psychosocial counseling ang tatlong menor de edad na pinsan ng biktima na nakasaksi sa insidente.
Patuloy ring nakikipag-ugnayan ang DSWD sa pamilya ng biktima at sinisigurong susundin ang ligal na proseso sa paghawak ng kaso na may kinalaman sa CICL.