Palalawakin pa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang programang Walang Gutom Kitchens (WGK), na target magkaroon ng 12 outlet sa buong bansa pagsapit ng 2027.
Isa ito sa mga hakbang ng gobyerno para matugunan ang involuntary hunger o hindi kusang gutom sa bansa.
Sa kasalukuyan, mayroon nang Walang Gutom Kitchens sa Pasay City, Cebu City, at Zamboanga City.
Ayon sa DSWD, magdadagdag pa ito ng tig-iisang pasilidad sa National Capital Region, Eastern Visayas, at Caraga Region bago matapos ang ikalawang semestre ng 2026.
Ayon din kay Walang Gutom Kitchens Officer-in-Charge Ramil Mapoy, bukas ang programa sa lahat ng nakararanas ng gutom, lalo na sa mga pamilya at indibidwal na naninirahan o namamalagi sa lansangan.
Nakasunod din ang menu nito sa Pinggang Pinoy ng National Nutrition Council, kaya may sapat na nutrisyon para sa bawat kumakain.
Mula nang ilunsad noong Disyembre 2024, nakapagsilbi na ang Pasay City kitchen ng mahigit 306,000 pagkain, habang nakapagbigay naman ng 6,666 meals ang Cebu City branch at mahigit 3,000 libreng pagkain ang Zamboanga City kitchen.

