Nananatiling naka-heightened alert ang Valenzuela City Police Station (VCPS) kasunod ng mga kumalat na social media post noong July 15 na naglalaman ng umano’y banta ng seguridad sa Malinta National High School, Malinta Elementary School, at Valenzuela City School of Mathematics and Science (VALMASCIE).
Ayon sa Valenzuela Police, agad itong nag-deploy ng mga tauhan sa mga paaralan para magsagawa ng security assessment, makipag-ugnayan sa mga school administrator, at palakasin ang police visibility sa pamamagitan ng foot at mobile patrols.
Kasabay nito, nagsasagawa na rin ng intelligence gathering at nakikipag-ugnayan ang mga pulis sa cybercrime authorities para matukoy ang nasa likod ng kumalat na social media post.
Sa ngayon, sinabi ng Valenzuela Police na wala pang beripikadong impormasyon na may aktuwal o nalalapit na banta sa mga naturang paaralan.
Nanawagan naman ito sa publiko na manatiling kalmado, umiwas sa pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon, at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad o online content.