Mas pinaigting ng Department of Trade and Industry (DTI) at Go Negosyo ang kanilang suporta sa mga micro, small, and medium enterprises o MSMEs, sa pagbubukas ng Go Negosyo MSME Summit 2026 sa Pasay City, bilang paghahanda rin sa nalalapit na ASEAN Summit.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni DTI Secretary Cristina Roque na patuloy na pinalalawak ng pamahalaan ang mga programa para sa mga negosyante, kabilang ang mahigit 1,300 Negosyo Centers sa buong bansa, Kapatid Mentor ME program na nakapagsanay na ng higit 16,000 entrepreneurs, at P12.9 bilyong pondo ng SB Corporation para sa pautang ng MSMEs. Hinikayat din niya ang mga negosyante na samantalahin ang libreng trade shows ng DTI at mga oportunidad sa pag-export, kasabay ng inaasahang pagtatapos ng ilang free trade agreements ngayong taon.
Samantala, iginiit ni Go Negosyo Founder Joey Concepcion ang kahalagahan ng mentorship, access sa kapital, at access sa merkado upang lumago ang maliliit na negosyo. Ibinahagi rin niya ang plano na gawing mas inklusibo ang pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa MSMEs na makilahok at makinabang sa mga aktibidad.
Kinilala rin niya ang suporta nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos sa mga programang tumutulong sa mga negosyante at komunidad.
Naniniwala ang DTI at Go Negosyo na sa mas matibay na ugnayan ng pamahalaan at pribadong sektor, mas maraming MSMEs ang magkakaroon ng pagkakataong lumago, makalikha ng trabaho, at maipakilala ang produktong Pilipino sa pandaigdigang merkado.