Isusumite na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Department of Transportation (DOTr) ang rekomendasyon na ₱1 na dagdag-pasahe sa mga pampasaherong jeepney.
Kabilang din sa panukala ang ₱10 kada litro na fuel subsidy para sa mga kuwalipikadong operator at tsuper.
Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, tugon ito sa direktiba ng DOTr na pag-aralan ang dagdag na ayuda para sa transport sector.
Suportado ng LTFRB ang hiling ng mga transport group dahil sa inaasahang pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos (US) at Iran.
Naniniwala rin ang ahensya na hindi gaanong mararamdaman ang dagdag-pasahe dahil sa ipinatupad na umento sa minimum na sahod sa National Capital Region (NCR).
Maaari namang bawiin ang dagdag-pasahe kapag bumaba ang presyo ng langis, ngunit kailangan muna itong dumaan sa public hearing.